Martes, Disyembre 6, 2011

Karoling

Karoling noon, dulot ay anong saya
Tuwang dala ng mga sintunadong bata
Tatlo hanggang limang kanta ay di ka mabibitin
Dahil buong kanta ang kanilang aawitin

May matatandang seryoso sa pag-kanta
May kanya-kanya silang dalang mga gitara
Oh Karoling noon ay nakakamiss
Dalang tuwa sa aming labi na kay tamis.

Karoling ngayon, dulot ay inis
Sapagkat pera nalang ang kanilang ninanais
Unang stanza palang ng kanilang kanta
Biglang nag-wiwi-wish you a merry christmas na sila

Nakakawalang gana magbigay ng aginaldo
Sarap magpatay ng ilaw at magsara ng pinto
Sapagkat gabi-gabi ka na nilang babalikan
Karoling ngayon ay tila nawalan na ng kabuluhan.

Linggo, Disyembre 4, 2011

Mahirap Umasa

Mahirap umasa na mahalaga ka
Kung ang lagi nyang kinakausap ay iba
Mahirap umasa na importante ka
Kung di ka man lang nya maalala

Mahirap umasa na napapasaya mo sya
Sa tuwing pinipilit mo mawala ang mga luha nya
Mahirap umasa na ikaw ang dahilan ng ngiti nya
Kung ang nakapagpapatitigil ng iyak nya ay iba

Mahirap umasa na matutupad ang panaginip mo
Na sa bandang huli ay magiging kayo
Mahirap umasa na sa isang pantasya
Na kung sa tingin mo ay wala talagang pag-asa

Mahirap umasa na ikaw ang lalapitan nya
sa bawat problema na dinaranas nya.
Mahirap umasa sa pag-ibig na mabuo
Na kung saan, ang nagmamahal ay ikaw lang mismo.

*an old poem way back from my high school days*

Biyernes, Disyembre 2, 2011

Tula~la

Gumising na daw si Balagtas
May bumulong mula sa itaas
Ang loob ko daw ay malakas
Sapagkat ako daw ay nangahas

"At sino kang bubwit na gumising
sa akin na natutulog nang mahimbing?"
"Balita ko daw, ika'y magaling
gumawa ng tula na sa kasintaha'y nais iparating"

"Di mo ba kilala ang iyong kausap,
na kilalang bihasa sa paglikha ng mga pangungusap"
"Oo, ika'y aking iniidolo mula noon pa,
kaya ikaw ang aking pinili, at wala nang iba"

"Kung tula ang iyong pakay,
kaya kong gumagawa ng mga makakapangyarihang tayutay,
subalit mas maiging sa pusong umiibig nang tunay,
magmula ang tulang dapat isalaysay."

Ako'y napahinto, nag-isip, at napagtanto
Ang sinabi ni Balagtas ay may makahulugang punto.
Sa paglikha ng tula ay di kailangan ng sobrang talino,
basta lahat ng sasabihin mo'y dapat galing sa puso.

Napaluhod at ako'y napatingala
Kanina'y pagaalala ang nababakas sa aking mukha,
Subalit lahat ng ito'y nahawing bigla
Napagtanto na di pala mahirap gumawa ng wagas na Tula.

Huwebes, Disyembre 1, 2011

Tula

Pakigising si Balagtas
Hiniling ko sa itaas
Sinigaw ko ng malakas
Upang ang kalangita’y bumukas

“Anong kailangan nila
at ako’y iyong ginambala?!”
“Magpapaturo lang ng tula
upang maisabi ang pag-ibig na di maiwika…”

“Tula? Uso pa ba ‘yon?!
Anong gagawin mo doon
At ikaw pa’y nangahas
Nakausapin ang mamamalagtas?!”

Yao’t para sa aking mahal
Itataya puri’t dangal
Huwag lamang maging hangal
Na ilihim sa kanya ng napakatagal

Kaibigan kung ang isa’t isa’y ituring
Tumagal nag-iba ang damdamin
Hinahanap at gustong makapiling
Pag-ibig ba kung susuriin?!

Lito ang murang kaisipan
Di natanto ang nararamdaman
“Busilak na pagkakaibigan,
kaya mko bang dungisan?!”

Salamat at akin nang nalaman
Murang pag-ibig, pilit na tataguan
Tulang maisususlat na may nilalaman
Ala-ala ng kahapong di malilimutan…

Miyerkules, Nobyembre 30, 2011

Eto Na Naman.. Ulit

Eto nanaman, isang masayang kanta,
gawa ng isang musikerong nakangiti at nakatawa
Eto nanaman, isang kwentong pag-ibig na pelikula
na kung saan, nagtapos ito ng makwela't masaya

Eto nanaman, sisibol ang isang masayang araw
Sa pag-ulan ng biyaya ay di sya magkamayaw
Eto nanaman, isang ngiti sa labi
Sapagkat sa puso, wala nang nadaramang hapdi

Eto nanaman, isang masayang aklat.
na napapangiti sya sa tuwing ito'y ibinubuklat.
Eto nanaman, isang bagong larawan.
Na nagpapahiwatig sa tapos nang nakaraan

Eto nanaman, isang bagong buhay ang magsisimula.
bilang isang Musikero, artista at taga-gawa ng tula
Eto nanaman, uusbong ang isang bagong tao
na masasaksihan sa katauhan na tinatawag nilang "ako".

Martes, Nobyembre 29, 2011

Eto Na Naman

Eto nanaman, isang malungkot na kanta,
na laging sumasakit sa puso nya..
Eto nanaman, isang malungkot na pelikula,
na nadarama din nya ang dinaranas ng bida..

Eto nanaman, ang pagbagsak ng ulan,
kasabay ng pagmumunimuni ng isang taong luhaan..
Eto nanaman, tagos hanggang kaluluwa,
ang sugat sa puso'y nananatiling sariwa..

Eto nanaman, isang malungkot na aklat,
na hindi nya magawang maibulkat-buklat..
Eto nanaman, and isang larawang kupas,
nagpapaalala ng pagtataksil sa pag-ibig na wagas..

Sa pagsikat nang araw, isa nanamang bagong umaga,
kasabay ng pagharap sa isa nanamang pag-asa..
Eto nanaman, nabuo ang isang malungkot na tula,
di ko namalayan na ang sumulat ay ako pala...
 

Copyright © 2009 Grunge Girl Infinityskins and ToniBoboni Tonilohiya